AFP at MILF, kumpiyansa sa ligalidad ng Bangsamoro Organic Law

by Radyo La Verdad | November 20, 2018 (Tuesday) | 18763

Tiwala ang liderato ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Moro Islamic Liberation Front (MILF) na sang-ayon sa saligang batas ang Bangsamoro Organic Law (BOL).

Ginawa ng dalawang lider ang naturang pahayag kaalinsabay ng makasaysayan at kauna-unahang pagbisita kahapon sa Kampo Aguinaldo ni MILF Chairman Al Hadj Murad Ebrahim.

Kaugnay ito ng inihaing petition for certiorari at hiling na temporary restraining order (TRO) kontra sa ligalidad ng BOL.

Ayon kay AFP Chief of Staff Carlito Galvez Jr., dumaan sa mabusising deliberasyon ng mga mambabatas ang mga probisyon ng BOL kaya’t tiwala siya na naayon ito sa saligang batas.

Kumpiyansa rin ang MILF leader na constitutional ang BOL kaya’t naniniwala siya na kakatigan ito ng korte.

Ika-30 ng Oktubre 2018 nang maghain ng petisyon sa Korte Suprema si Sulu Provincial Governor Abdusakur Tan II upang kwestyunin ang BOL.

Giit ng petitioner, umabuso aniya sa kapangyarihan ang Kongreso sa pagpapasa ng BOL.

Paliwanag niya tanging ang konstitusyon lamang ang may otoridad na magtayo ng Autonomous Region of Muslim Mindanao (ARMM) at hindi ang Kongreso.

Sa ilalim ng BOL, papalitan na ng Bangsamoro Autonomous Region ang Autonomous Region of Muslim Mindanao.

Magkakaroon ito ng sariling parlamento na may kapangyarihan na magpasa ng sariling batas, magpataw ng buwis at makatatanggap rin ng block grant.

Sa Enero 2019 isasagawa ang plebesito upang matukoy kung papabor ang mga residente sa ARMM sa pagbuwag nito at pagpapalit ng Bangsamoro Autonomous Region.

 

( Joan Nano / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,