Dumalo na sa pagdinig ng Senado ang mga miyembro ng Aegis Juris Fraternity na sangkot sa pagkamatay ng UST law student na si Horacio “Atio” Castillo III.
Ilan sa mga ito ay sina Arvin Balag, OJ Onofre, Axel Hipe, at si Ralph Trangia. Binasa rin sa pagdinig ang ilang bahagi ng salaysay ni Solano sa isinagawang executive session noong September 25 matapos itong mabigong magsumite ng sworn affidavit.
Dito pinangalan niya ang si Balag bilang Presidente ng fraternity na nagsabi rin umano sa kanya na magsinungaling at sabihing napulot lamang niya si Castillo sa kalsada ng Balut, Tondo. Si Onofre naman umano ang tumawag sa kanya noong umaga ng September 17 upang respondehan ang wala nang malay na si Atio.
Samantala, si Hipe na sinasabing nagrecruit kay Atio ang nadatnan niya sa frat house at isa sa mga kasama niya na nagdala sa biktima sa Chinese General Hospital habang kay Trangia naman ang pulang pick-up na nagsakay sa walang malay na si Castillo.
Ngunit sa pagtatanong ng mga senador ay wala silang nakuhang impormasyon sa mga ito dahil lahat sila ay nag-invoke ng kanilang right against self incrimination, bagay na ikinadismaya ng mga mambabatas.
Cited for contempt ng senate panel si Balag dahil sa patuloy na pagtangging aminin na siya ang kasalukuyang pinuno ng Aegis Juris. Umapela si Balag na bawiin ito ng mga senador.
Iprinisinta naman ni Manila Police District Head CSupt. Joel Coronel ang palitan ng fb chat messages ng mga pinuno at miyembro ng Aegis Juris Fraternity noong September 17 at 18 na nagpapakita ng tangkang pag- cover up at planong pagtakas sa pananagutan sa pagkamatay ni Atio.
Iprinisinta rin ang CCTV footage sa elevator ng Novotel kung saan pumunta ang mga frat brothers para sa isang meeting upang pag-usapan ang mga hakbang na gagawin sa pagkamatay ni Atio. Ayon kay Sen. Lacson, matibay itong ebidensya laban sa Aegis Juris.
Samantala, mariin namang itinanggi ni UST Faculty of Civil Law Dean Nilo Divina na may kinalaman siya sa pagkamatay ni Atio.
Umaasa naman ang magulang ni Atio na ituloy-tuloy ni Solano na makipagtulungan upang mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng kanilang anak. Umapela rin ang mag- asawang Castillo na ibalik ang cellphone, eyeglasses at relo ni Atio.
( Aiko Miguel / UNTV Correspondent )