“Advantageous” sa Pilipinas ang weather station ng China sa WPS

by Radyo La Verdad | November 14, 2018 (Wednesday) | 3204

Walang dapat ikabahala kung sakali mang totoo ang ulat na nagtayo na nga ng weather stations ang bansang China sa West Philippine Sea (WPS). Ito ang pahayag ni Defense Secretary Delfin Lorenzana sa isang panayam ng UNTV News Team sa Singapore.

Ayon kay Lorenzana, sa ngayon ay tanging ang impormasyong galing mismo sa China ang hawak ng pamahalaan hinggil sa sinasabing weather facilities nito sa pinag-aagawang teritoryo.

Ganunpaman, ipinaliwanag ng kalihim ang pangangailangan ng pasilidad gaya ng weather station sa South China Sea dahil magbibigay gabay ito sa mga sasakyang pandagat at panghimpapawid sa kalagayan ng panahon sa lugar.

Mahalaga aniya ito upang mapanatili ang ligtas na paglalayag sa lugar.

Samantala, wala pang malinaw na impormasyon ang kalihim sa magiging takbo ng pag-uusap ng mga bansa sa Association of South East Asian Nations (ASEAN) kaugnay sa sitwasyon sa South China Sea.

Subalit umaasa ang kalihim na makabubuo ang grupo ng maayos na solusyon sa problema na mapakikinabangan ng lahat ng bansa sa rehiyon.

 

( Queenie Ballon / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,