Adult population ng bansa, target mabakunahan kontra COVID-19 sa March 2022 para makapaghanda sa halalan

by Radyo La Verdad | January 19, 2022 (Wednesday) | 545

METRO MANILA – Apat na buwan na lamang ang nalalabi bago ang May 2022 national elections.

At bago matapos ang termino ni Pangulong Rodrigo Duterte, mas pinaiigting pa ngayon ng administrasyon ang vaccination campaign nito kontra COVID-19.

Ayon kay Acting Presidential Spokesperson at Cabinet Secretary Karlo Nograles, layon ng pamahalaan na mabakunahan ang adult population ng bansa sa pagtatapos ng March 2022 upang makapaghanda para sa pambansang halalan.

“Ang next target po natin is to reach the 77-million mark by end of first quarter of 2022 which is by end of March of 2022. Kasi gusto po natin na by end of first quarter, ang total adult population po natin, which incidentally are the voters, kasi adult population di ba, sila po ang mga botante natin, bago pa man sumapit ang April or May, gusto natin ang adult population natin ay fully vaccinated na.” ani Acting Presidential Spokesperson/ Cabinet Secretary Sec. Karlo Nograles.

Target naman ng Duterte Administration na maabot ang bilang na 90 million fully vaccinated na mga Pinoy sa pagtatapos ng second quarter ng 2022.

Sa ngayon 55.19 million na ng mga kababayan ang nakatanggap ng complete dose ng COVID-19 vaccine.

Samantala, simula bukas, araw ng Huwebes, January 20 ay maaari na ring magpabakuna ng booster dose ang mga mamamayan sa 5 major pharmacies at 2 private clinic sa Metro Manila.

Makakasama sa pilot implementation ng “Resbakuna sa Botika” ang Mercury Drug, Watsons, The Generics Pharmacy, Generika, South Star Drug , Qualimed at Healthway.

Ayon kay Presidential Adviser for COVID-19 Response Vince Dizon, plano itong palawigin sa iba pang mga botika sa iba’t-ibang lugar sa bansa.

Nilinaw naman ng Malacañang na kailangan pa ring magparehistro sa lokal na pamahalaan bago makapagpaturok ng booster dose sa mga botika at klinikang ito.

Ang Local Government Units (LGU) pa rin ang mangangasiwa sa registration, at documentation samantalang ang mga pharmacy at clinics ang mangangasiwa sa aktwal na pagtuturok ng booster dose.

100 booster shots ang nakalaan sa bawat pharmacy kada araw at may kabuuan namang 3,500 doses na nakahanda sa loob ng isang linggo para sa pilot implementation.

Muling paala-ala ng palasyo, ang mga maaaring turukan ng booster dose ay ang mga nakatanggap na ng complete dose at least 3 buwan na ang nakalipas o 2 buwan kung single dose ng Janssen COVID-19 vaccine ang tinanggap.

(Rosalie Coz | UNTV News)