Pangkaraniwan na ang mahahabang pila at matagal na proseso sa mga pambulikong ospital para makakuha ng tulong pinansyal.
Sa isang joint administrative order na nilagdaan sa pagitan ng mga ahensyang Department of Health (DOH), Philippine Charity Sweepstake Office (PCSO), Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) at Department of Social Welfare and Development (DSWD), tila hindi na makikita ang masalimuot na ganitong sitwasyon.
Layunin ng administrative order na bawasan ang tila pasakit sa mga mahihirap na Pilipinong nangangailangan ng ayuda sa mga gastusin sa ospital.
Sa pinirmahang A.O., iniiwasan din ang pagsusumite ng mga kaukulang dokumento sa iba’t-ibang ahensya, matagal na proseso at para maiwasan din ang minsa’y doble-dobleng nailalabas na pera.
Sa ilalim din ng guidelines, ang pondong para sa medikal na pangangailangan ay manggagaling sa PhilHealth, PCSO, DOH assistance para sa indigent medical patients at healthcare providers para sa non-private sectors.
Ang mga non-medical cost naman katulad ng transportation ay sasagutin ng DSWD.
Dahil din sa nilagdaang kautusan, mas mapapalawig pa ng PhilHealth ang mga tulong at benepisyong naibibigay nila sa mga miyembro.
Naging matagumpay naman ang ganitong sistema nang unang inilunsad ito sa Visayas region.
Naniniwala naman ang mga ahensyang mamamahala na magiging epektibo rin ang ganitong sistema at mas mabilis na maibibigay ang kaukulang tulong pinansyal.
( JL Asayo / UNTV Correspondent )