Taliwas sa pagtuligsa ng mga kritiko ni Pangulong Rodrigo Duterte na mas inuuna pa aniya ng administrasyong patahimikin ang mga miyembro ng oposisyon kaysa hanapan ng solusyon ang mataas na presyo ng mga bilihin, tiniyak ng Malacañang na hindi natutulog sa pansitan si Pangulong Rodrigo Duterte hinggil sa usapin ng inflation sa bansa.
Ginawa ng Malacañang ang pahayag kasunod ng paglabas ng ulat ng Pulse Asia na 63 porsyento ng mga Pilipino ang nagsasabing ang usapin sa inflation ay dapat na aksyunan agad ng Duterte administration.
Kasunod na nais bigyang prayoridad ng publiko ay ang pagtataas ng sahod ng mga manggagawa, pagresolba sa kahirapan, paglikha ng mas maraming trabaho, paglaban sa katiwalian at iba pa.
Samantala, 3% lamang ang nagsasabing dapat asikasuhin ang usapin sa charter change.
Nilinaw naman ng Malacañang na hindi ibig sabihin nito ay inaabandona na ng Duterte administration ang usapin sa charter change.
May angkop na panahon aniya para ito pagtuunan ng pansin lalo na’t mas marami pang pag-aaral at diskusyon ang kinakailangang gawin hinggil dito.
Samantala, ipinagtanggol naman ng Malacañang ang mga economic manager na nagtungo sa United Kingdom ngayong linggo para isulong ang infrastructure program ng pamahalaan sa mga British company.
Ayon sa mga kritiko ng administrasyon, hindi aniya napapanahon ang Europe trip ng mga ito dahil sa kinakaharap na mga suliranin sa bansa tulad ng inflation at patuloy na pagbaba ng halaga ng piso kontra dolyar.
( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )