Active radar sa mga paliparan, makatutulong upang mabawasan ang air traffic congestion

by Radyo La Verdad | September 24, 2015 (Thursday) | 3026

MACKY_AIRPORT
Bukod sa napakatinding traffic sa Metro Manila, problema rin ang air traffic congestion sa airport.

Kung ikukumpara sa Edsa, masikip na rin ang runway ng Ninoy Aquino International Airport.

Ang NAIA ang pinaka abalang paliparan sa bansa na may mahigit isang libong flights araw-araw at tatlumpu’t dalawang milyong pasahero taon-taon.

Bunsod ang air traffic congestion dahil sa kakulangan ng runway o pinag la-landingan ng mga eroplano sa mga paliparan
May dalawang runway lamang ang NAIA, ang primary runway 06/24 at ang secondary runway 13/31.

Sa dami ng mga biyahe araw-araw, hindi maiiwasan na magkaroon ng delay at kanselasyon ng mga flight.

Ang mga pasahero, hindi maiwasan na i-post sa mga social networking sitesang problema sa air traffic sa NAIA.

Kapag may air traffic, napipilitan ang mga eroplano na magpaikot ikot sa himpapawid habang wala pang available na pag la-landingan.

Upang masolusyunan ito sa susunod na taon ay maglalagay ng bagong Communications, Navigation, Surveillance / Air Traffic Management o CNS-ATM, isang active radar na makakatulong upang mabawasan ang air traffic congestion sa bansa.

Ayon sa Department of Transportation and Communication, mayroon namang ginagamit na radar sa NAIA subalit kailangan na itong i-upgrade.

66 milyon naman ang nagastos ng pamahalaan upang upahan ang mga British expert na reresolba sa traffic congestion sa NAIA.

Anim na buwang pagaaralan ng mga eksperto ang air traffic situation sa NAIA upang makagawa ng isang epektibong sistema upang mapaluwag ang runway ng NAIA airport.(Macky Libradilla/UNTV Radio Correspondent)

Tags: , ,