Acting CJ Carpio, susulat sa JBC upang tanggihan ang nominasyon para maging susunod na SC chief justice

by Radyo La Verdad | July 13, 2018 (Friday) | 5493

Muling iginiit ni Acting Chief Justice Antonio Carpio na buo at pinal na ang kaniyang desisyong hindi tatanggapin ang nominasyon sa pagkapunong-mahistrado sa Korte Suprema.

Iginiit din nito na susulat siya sa Judicial and Bar Council (JBC) upang pormal na tanggihan ang mga nominasyon sa kaniya.

Noong nakaraang buwan, inendorso ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) si Carpio bilang kapalit ni dating Chief Justice Maria Lourdes Sereno. Una nang tinanggihan ni Carpio ang endorsement dahil naniniwala itong hindi tama ang naging paraan ng pagpapatalsik kay Sereno.

Otomatikong napasama sa nominasyon si Carpio kabilang ang iba pang senior justices ng Korte Suprema na sina Associate Justice Presbitero Velasco Jr., Teresita de Castro, Diosdado Peralta at Lucas Bersamin.

Samantala, nagpadala ng liham ang Philippine Judges Association kay Pangulong Rodrigo Duterte para i-endorso si Court Administrator Midas Marquez bilang kapalit ni Associate Justice Presbitero Velasco Jr. na magreretiro sa susunod na buwan.

Naniniwala ang samahan na sapat na ang 3 dekadang karanasan ni Marquez sa Korte Suprema upang maging mahistrado.

Ito’y sa kabila ng mga akusasyon laban kay Marquez kaugnay ng mga kwestiyonableng disbursements sa isang proyekto sa SC na pinondohan ng World Bank, subalit dati na itong pinabulaanan ni Marquez.

May 90 araw ang Pangulo upang mamili ng hahalili kay Velasco kapag ito ay nagretiro na sa serbisyo.

 

( Mai Bermudez / UNTV Correspondent )

Tags: , ,