Matapos magbayad ng tig-walumpung libong piso bawat isa, nakalaya na noong Sabado ng gabi mula sa Davao City Jail sina ACT Teachers Partylist Rep. France Castro, ex-Makabayan Rep. Satur Ocampo at 16 iba pa.
Inaresto ng Talaingod PNP ang grupo ni Ocampo noong nakaraang Huwebes matapos ireklamo ng kidnapping at child abuse. Ngunit depensa ng grupo, wala silang ginawang labag sa batas.
Ayon kay Castro, hindi totoong walang pahintulot ng mga magulang ng labintatlong kabataan na kasama nila.
Ang mga ito ay ni-rescue nila matapos na mapaulat ang panggugulo ng mga umano’y paramilitary groups sa paaralan ng mga ito sa Davao del Norte.
Pag-alis sa paaralan ay una na umano silang hinarang ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) para bilangin at gawan ng profile ang kasama nilang mga bata.
Ngunit kinabukasan, ika-29 ng Nobyembre, inaresto sila ng mga pulis sa isang checkpoint sa Talaingod.
Kinukundena naman ng Makabayan ang umano’y illegal detention at warrantless arrest na ginawa ng mga otoridad sa kanilang mga kasamahan.
Sa kasalukuyan ay nasa kustodiya ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang 13 menor de edad na dadalhin sana ng Makabayan sa Salugpongan Learning Center Office sa Tagum.
Samantala, pinag-aaralan na ng grupong Makabayan kung anong aksyong ligal ang maaari nilang gawin laban sa mga pulis na umaresto sa kanila.
( Cathy Maglalang / UNTV Correspondent )