Kahapon ang ika-118 taong komemorasyon ng kalayaan ng Pilipinas mula sa pananakop ng mga Kastila at huling pagkakataon ng pagtataas ng pambansang watawat ni outgoing President Benigno Aquino the third bilang pinuno ng bansa.
Sabay-sabay ding iwinagayway ang bandila ng pilipinas sa Kawit, Cavite, Malolos, Bulacan at iba’t ibang lugar sa bansa.
Sa Rizal Park, Maynila, kasama si Vice President Jejomar Binay at ibang miyembro ng kaniyang gabinete at mga opisyal ng pamahalaan, ginunita ni Pangulong Aquino ang Independence Day
Samantala, bilang punong-abala sa huli rin niyang Vin D’ Honneur, sa harap ng daan-daang opisyal ng pamahalaan at mga diplomatiko, muling isinalaysay ni Pangulong Aquino ang masaklap na karanasang sinapit ng kaniyang pamilya sa ilalim ng diktadurya.
Kaya anito, dapat bantayan at alagaan ang kalayaang tinatamasa ng bawat Pilipino sa kasalukuyan.
Lalo na’t hindi ito ganun kadaling tinamasa ng mga itinuring na bayani ng bansa.
Binigyang-diin din nito ang mga pagbabago at nagawa para sa mga kapwa pilipino sa ilalim ng kaniyang administrasyon nang hindi lumalabag sa karapatang-pantao.
At kabilang na rito ang paglago ng ekonomiya.
Sa huli, hiniling ni Pangulong Aquino sa bawat pilipino na huwag balewalain ang kalayaang ipinagkaloob sa pamamagitan ng kagitingan ng mga ninuno.
At binilinan niya rin ang bawat isa na maging mapagmatyag upang huwag na aniyang maagaw ng mismong kapwa pilipino ang kalayaan sa bansa.
(Rosalie Coz/UNTV NEWS)
Tags: kalayaan ng Pilipinas, outgoing President Benigno Aquino the third