Access sa edukasyon, pangunahing napapabayaang karapatan ng mga bata- CRC

by Radyo La Verdad | November 21, 2018 (Wednesday) | 7275

Sa kabila ng mga programang pang-edukasyon ng pamahalaan, nananatili pa ring edukasyon ang pangunahing problema ng mga kabataan.

Tinatayang 3.6 milyon ang kabataan edad 6 na taong gulang hanggang 24 anyos ang hindi nakakapag-aral dahil sa iba’t-ibang dahilan ayon sa Annual Poverty Indicators Survey ng Philippine Statistics Authority (PSA) noong 2017. Nangunguna rito ang problema sa pamilya, kawalan ng interes, at kawalan ng perang pampaaral.

Sa Mindanao, nagtatayo na lamang ng alternatibong paaralan ang mga Lumad para makapag-aral pa rin sa gitna ng kaguluhan doon.

Ayon kay Bondoc, mahalaga na maipaunawa sa mga bata ang kasalukuyang sitwasyon na hindi lamang pormal na pag-aaral ang maaaring magbigay edukasyon sa kanila.

Sa pamamagitan ng pagdaraos ng Children’s Rights Awareness Festival ay naimumulat ang mga bata sa kanilang mga karapatan at matuto mula sa kapwa kabataan.

Ayon naman kay Olivia Dealagdon, isang guro sa Tondo, Maynila, napababayaan ng mga magulang ang pag-aaral ng kanilang mga anak dahil sa abala ang mga ito sa paghahanap-buhay.

Katunayan, 10 sa kaniyang 49 na mag-aaral ang huminto sa pag-aaral ngayong taon dahil dito.

Kabilang sina James at Fherlyzha sa mga mag-aaral na nagsusumikap na makapagtapos ng pag-aaral sa kabila ng hirap ng buhay.

Kwento nila, minsan ay lumiliban sila sa pag-aaral dahil walang pambaon.

Suhestyon ni Jocelyn, mabigyan ng pamahalaan ng livelihood program ang kaniyang mga kababayan na umaaasa lamang sa pangangalakal ng basura.

 

( Cathy Maglalang / UNTV Correspondent )

 

 

 

 

 

 

Tags: , ,