Mas maayos na pagtrato sa mga tauhan ng Coast Guard at iba pang alagad ng batas.
Ito ang inaasahan ng abogado ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard na kinasuhan ng pamahalaan ng homicide kaugnay ng shooting incident sa Balintang channel.
Ayon kay Atty. Rod Moreno, hangad nila na makita ng bagong administrasyon ang pagkakamali ng Pamahalaang Aquino sa pagsasampa ng kaso sa mga tauhan ng PCG.
Walong tauhan ng Coast Guard ang nahaharap sa kasong homicide dahil sa pagkamatay ng isang mangingisdang Taiwanese kaugnay ng pamamaril sa Balintang channel noong May 9, 2013.
Magugunitang pinaputukan ng PCG ang bangkang pangisda ng Taiwan upang mapatigil ito matapos mahuling illegal na nangingisda sa karagatang sakop ng Pilipinas.
Dismayado rin ang abogado dahil hanggang ngayon, wala pa ring abiso ang pamahalaan tungkol sa civil case na isinampa sa taiwan laban sa mga tauhan ng Coast Guard.
Iginiit nito na hindi sila magbabayad ng kahit singko sa Taiwan dahil ito pa nga ang dapat magbayad ng pinsala sa Pilipinas dahil sa pagnanakaw ng kanilang mga mangingisda sa likas na yaman ng ating bansa.
Ayon kay Moreno, tiwala silang mapapawalang-sala ang mga tauhan ng pcg dahil lamang ng mga ito ang kanilang tungkulin sa pagtatanggol ng teritoryo ng bansa.
Itutuloy ng Korte ang pagdinig sa kaso sa darating na Agosto.
(Roderic Mendoza / UNTV Correspondent)
Tags: Abogado ng PCG men, bagong administrasyon, Balintang shooting incident