Aabot sa 22,000+ ang new COVID-19 cases kung bababa ang pagsunod sa MPHS – DOH

by Radyo La Verdad | July 14, 2022 (Thursday) | 11046

METRO MANILA – Sa katapusan ng Hulyo, posibleng umabot sa 17,000 ang arawang bagong kaso ng Coronavirus Disease 2019 sa bansa, ayon sa Department of Health (DOH).

Ito ay batay sa projection ng kagawaran na isinagawa noong June 24.

Ayon din ito sa obserbasyon sa pagsunod ng publiko sa minimum public health standards (MPHS) tulad ng social distancing, pagsusuot ng mask, palagiang paghuhugas ng kamay at iba pa.

Sa Metro Manila naman, posibleng lumampas sa 11,000 ang arawang kaso ng sakit, pagdating ng katapusan ng Hulyo.

Ayon pa sa DOH, kung patuloy ang pagbaba ang antas ng pagsunod ng publiko sa MPHS, o sa mga hakbang para maiwasang mahawa ng virus, posibleng umakyat pa, sa 22,000 ang kaso ng COVID-19 sa bansa kada araw.

Kaya naman patuloy ang panawagan ng pamahalaan, na magdoble-ingat ang mga mamamayan, sumunod sa health and safety protocols sa lugar ng trabaho, sa pampublikong sasakyan, sa kalsada, maging sa tahanan.

Magpa-booster shot na ang mga pinahihintulutan nang magpa-booster, ang patuloy na hikayat ng DOH. 

Kahapon (July 13) ay 1,604 ang naitalang bagong kaso ng COVID-19 sa buong bansa. 14,862 naman ang kabuuang aktibong kaso o yung mga maysakit pa at nagpapagaling mula sa COVID-19.

Tags: ,