Kakulangan sa budget, dahilan kung bakit hindi pa naaabot ang rice self-sufficiency – Sec. Piñol

by Radyo La Verdad | April 10, 2019 (Wednesday) | 3252

MTERO MANILA, Philippines – Ipinahayag na ni Agriculture Secretary Manny Piñol ang dahilan kung bakit hindi pa maabot ng Pilipinas ang target nitong rice self-sufficiency at ito ay ang kakulangan sa budget.

Ayon sa Pangulo, sa personal nilang pag-uusap ni Agriculture Secretary Piñol, nangako raw ang kalihim na hindi lang rice self sufficiency kundi maari pa tayong mag export ng bigas.

Kinantyawan ng Pangulo si Piñol sa isang event sa Palawan dahil ‘di umano umabot sa pangako nitong target.

Ayon naman sa kalihim, sadyang mapagbiro lamang ang Pangulo.

“Alam mo naman si President nangangatyaw yun. Nasanay na naman ako sa ganyan of course pag hindi mo kabisado medyo masasaktan ka pero ako I’ve learned to leave with it. Yung kantyaw nya na hindi tayo magiging rice sufficient. I don’t want to argue the President. Basta kami trabaho lang.” Ani DA Sec. Manny Piñol.

Pahayag naman ni Sec.Salvador Panelo, Niloloko lang ni Pang. Duterte si Sec. Piñol at kasama rin sa joke ang sinabi nito na nagyabang lang si Piñol.

Ayon sa opisyal, sa umpisa pa lamang ng termino ng administrasyon ay naniniwala itong maaabot ng bansa ang kasapatan sa bigas basta mabuhusan lamang ng pondo ang mga pangunahing pangangailangan sa pagsasaka.

Subalit hindi aniya naibigay ang 50 bilyong pisong pondong hinihingi nito.

“We asked for a 50 billion pesos budget over the next 3 years para suportahan yung rice industry. On the contrary ay nabawasan pa yung budget ng DA. So yun talaga ang dahilan,” ani Piñol.

Sa ngayon ay 93% na ang ating kakayanan pero target ng kalihim na umabot sa 96% sa taong 2020 ang ating rice self-sufficiency.

Ayon sa kalihim binabaan niya ang target dahil inaasahan na luluwag ngayon ang importation ng bigas bunsod ng pagsasabatas ng rice tariffication law na una pa lamang ay kanya nang tinutulan.

Kulang man sa budget, gumagawa na lamang ng paraan ang kalihim sa pamamagitan ng ugnayan at tulong sa ibang bansa sa pamamagitan ng mga loan at paggamit ng mga makabagong teknolohiya tulad ng solar irrigation system.

(Rey Pelayo | UNTV News)

Tags: , , ,