Dating school calendar kayang ibalik kung babawasan ang class days – Teachers Group

by Radyo La Verdad | April 12, 2023 (Wednesday) | 1102

METRO MANILA – Naniniwala ang Alliance of Concerned Teachers na napapanahon na upang ibalik ang dating school calendar sa basic education level.

Ayon kay Vladimer Quentua ang Chairperson ng ACT-NCR, dapat nang umpishan ang adjustment sa school calendar, upang maibalik sa dating nakagawian ang school calendar, kung saan natataon ng Abril at Mayo ang summer break sa mga paaralan.

At upang maisakatuparan ito isinusulong ngayon ng ACT teachers ang panukalang bawasan sana ang class days o ang araw ng klase ng mga estudyante.

Mula sa orihinal na 205 days sa loob ng isang school year. Iminumungkahi ng grupo na gawin na lamang itong 185 days.

Base sa kasalukuyang school calendar para sa school year 2022-2023, nagsimula ang klase noong August 22, 2022 habang magtatapos naman sa July 7 ngayon taon.

Sa proposed school calendar ng Alliance of Concerned Teachers, dapat nang tapusin ang klase sa darating na June 13, 2023.

Habang itatakda naman ang school year 2023 to 2024, sa darating na August 14 hanggang May 27.

Layunin din aniya ng kanilang proposal na matiyak na may sapat na school break o 2 buwan na pahinga ang mga guro at estudyante na nabawasan na sa mga nagdaang school year.

Samantala, ayon naman kay Dr. Lizamarie Olegario isang educational expert, pwede pa rin namang gawing 185 days ang klase ng mga estudyante.

Pero dapat aniyang matiyak na maibibigay pa rin ang sapat na edukasyon na kailangan ng mga mag-aaral.

(Janice Ingente | UNTV News)