99 na Army at PNP personnel, ipinadala na sa Marawi City para sa rehabilitation mission

by Radyo La Verdad | August 29, 2017 (Tuesday) | 1840

Pinagsuot ng traditional Muslim veil o hijab ang mga babaeng sundalo at pulis na umalis kaninang umaga sakay ng C-130 patungo ng Marawi City.

Ang 59 na enlisted personnel ng Philippine Army at 40 non-commissioned officer ng PNP ang magsasagawa ng psychosocial invention sa mga residenteng apektado ng bakbakan.

Ayon kay Deputy Chief of Staff for Civil Military Operations Major  Gen. Melquiades Feliciano, magsisilbing nanay at ate ang mga sundalo at pulis sa mga na traumang residente.

Sinabi naman ni AFP Chief of Staff  Gen. Eduardo Año na tuturuan din ang mga kabataan sa mga evacuation center ng kahalagahan ng kapayapaan. Ang mga babaeng sundalo at pulis ay pawang mga nag-volunteer, 38 sa mga ito ay mga Muslim kung saan 14 ang Maranao.

Sumailalim aniya ang mga ito sa isang linggong training kaugnay ng cultural sensitivity at civil military operation.

Umaasa naman si PNP Deputy Chief for Operations PDDG Fernando Mendez Jr. na sa pamamagitan nito’y magkakaroon na ng ganap na kapayapaan upang muling umangat ang buhay at makabawi ang mga residente ng Marawi.

Bukod sa bibliya at iba pang religious items, pinabaunan din ang mga ito ang M-16 rifle na maaari nilang gamitin kung kinakailangan sakaling mamiligro ang kanilang buhay.

Ang mga kababaihang sundalo at pulis ay magtatagal sa Marawi ng mahigit isang buwan kaya naman emosyonal ang naging pagpapaalam nila sa mga mahal sa buhay.

 Bilin ng AFP at PNP sa kanilang umalis na mga tauhan, burahin ang takot at agam-agam na nararamdaman at isiping isa lamang itong maliit na sakripisyo kumpara sa mga sundalo at pulis na nagbuwis na ng buhay para sa bayan.

 

(Lea Ylagan / UNTV Correspondent)

 

Tags: , ,