98 hinuli ng Las Pinas Police dahil sa paglabag sa curfew hours at iba pang ordinansa

by Radyo La Verdad | June 2, 2016 (Thursday) | 2909

BEN-01
Pagsapit ng alas diyes kagabi nagsimulang hulihin ng Las Pinas police ang mga nag-iinuman sa kalsada, mga kabataang nasa labas pa ng bahay at mga kalalakihang walang pangitaas na damit sa Barangay Caa Las Pinas at saka dinala ang mga ito sa police station.

Ayon kay Las Pinas Chief of Police Senior Supt.Jemar Modequillo, bahagi ang operasyon ng Oplan Rody o Rid the Street of Drinkers and Youth.

Ilan sa hinuli ay nagtangka pang takasan ang mga pulis, gaya na lang isang lalaki na nakipagbuno pa sa mga otoridad na kalaunan ay napag-alamang lango pala sa solvent.

Pagdating sa istasyon pinangaraalan ang mga nahuli, binigyan ng warning at bilang paalala pinag-push up ang mga kalalakihan. Habang ang mga menor de edad ay isinauli sa kanilang mga magulang kasabay ng pangaral sa mga bata at magulang.

Hilingin din nila sa city council na magkaroon din ng ordinansa para sa liquor ban upang mabawasan ang nagkalat na lasing sa kalsada.

Sang-ayon naman ang mga residente sa pagpapatupad nito dahil marami na umanong krimen ang nangyayari sa lugar gaya ng snatching at robbery holdap.

Ayon sa Las Pinas police, sa ngayon ay warning palang para sa mga nahuli ang kanilang ginawa subalit sa susunod na linggo at posibleng pagkakulong, pagmumulta at community service na ang ipapataw sa mga lalabag sa ordinansa.

(Benedict Galazan / UNTV Correspondent)

Tags: , ,