93,000 bagong OMR machines, rerentahan ng Comelec para sa 2016 elections

by Radyo La Verdad | August 13, 2015 (Thursday) | 1188

BAUTISTA
Kumpleto ang pitong miyembro ng Comelec En Banc nang humarap sa media kanina upang ianunsyo ang pinal na pasya ng komisyon kung anong mga makina ang gagamitin sa 2016 elections.

Unanimous ang naging botohan ng En Banc, hindi gagamitin ang mga lumang PCOS Machine kundi magrerenta ng mahigit 93,000 bagong Optical Mark Readero OMR Machines.

Ang OMR Machines ay ang generic name ng Precinct Count Optical Scan (pcos) Machines na ginamit ng Pilipinas noong 2010 at 2013 elections.

Sa Smartmatic kukunin ang mga bagong makina.

Una nang naipanalo ng Smartmatic ang bidding para sa lease ng 23,000 new OMR Machines sa halagang 1.7 billion pesos at patapos na ang pag-uusap sa kontrata para dito.

Smartmatic din ang nagwagi sa bidding para sa lease ng 70,977 new OMR Machines sa halagang 6.3 billion pesos.

Mas mura sana ng 2.5 billion pesos kung pakikinabangan uli ang mga dati ng ginamit na PCOS machines ngunit nauwi naman sa 2 failed bidding ang planong pag refurbish sa mga lumang makina.

Kahit may opsyon ang Comelec na pumasok sa isang negotiated contract para sa refurbishment option subalit nag abiso na ang ilang kumpanya kabilang ang Smartmatic na hindi na kayang tapusin ang trabaho bago ang 2016 elections.

Hindi rin uubra ang balak ng Comelec na bawasan ang bilang ng mga kukuning bagong makina at idagdag sa magiging kakulangan ang ilang refurbished PCOS Machines.

Paliwanag ng Comelec may technical challenges din kung sabay na isasagawa ang refurbishment ng lumang PCOS at ang pag manufacture ng mga bagong OMR Machine.

Ayon sa Smartmatic, magsisimula ngayong oktubre ang pagdeliver sa mga bagong voting machines at makukumpleto ito hanggang Enero ng susunod na taon.

Hinggil naman sa tanong kung ano na ang gagawin sa mahigit 81,000 PCOS Machines na binili na ng Comelec sa Smartmatic noong 2012, ayon sa poll body gagamitin pa rin ito sa darating na 2019 elections.

Kailangan lamang nilang iparefurbish ito ng mas maaga upang mas mura ang magagastos ng para dito.

Pagkatapos nang announcement, tumanggi nang magpatanong ang mga miyembro ng En Banc sa media.(Victor Cosare/ UNTV News)

Tags: