93 na mga drug surenderer sa Teresa Rizal, sasailalim sa community based rehabilitation program

by Radyo La Verdad | October 29, 2018 (Monday) | 2102

Sa ika-anim na pagkakataon ay muling magsasagawa ng SIPAG (Simula ng Pag-asa) Program ang Philippine National Police (PNP) sa Teresa, Rizal simula kahapon.

Ang SIPAG Program ay sadyang ginawa para sa mga dating gumagamit ng ipinagbabawal ng iligal na droga na nais ng magbagong buhay.

Sasailalim sa labindalawang sesyon linggo-linggo ang mga drug surenderer kung saan tuturuan sila kung papaanong magiging maayos muli ang pakikipag-ugnayan sa kapwa, sa pamilya at sa Dios.

Ito ay pakikipag-ugnayan ng PNP, Dangerous Drug Board at lokal na pamahalaan.

Kahapon ay dinaluhan ang opening ng programa ng 46 na mga surenderer kasama na ang mga naunang nakagraduate sa SIPAG Program. 93 naman ang mga dating gumagamit ng iligal na droga ang kabilang sa ika-anim na batch.

Babala ng PNP, kakasuhan nila ang sinomang sumailalim sa rehabilitation program na babalik sa masamang bisyo.

Samantala, matapos naman ang tatlong buwang rehabilitation ay may libreng technical skills training para sa mga drug surenderer na magagamit nila sa pagkakaroon ng isang marangal na hanap-buhay.

 

( Jennica Cruz / UNTV Correspondent )

Tags: ,