900 mga traffic law enforcer ng MMDA, tinanggal dahil sa isyu ng korupsyon

by Radyo La Verdad | March 1, 2018 (Thursday) | 6325

Mula sa dating mahigit 3,000 traffic law enforcers, nasa 2,100 na lamang ang idinideploy sa ngayon ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) araw araw.

Ayon kay MMDA OIC General Manager Jojo Garcia, 9,000 enforcer na ang kanilang inalis sa pwesto matapos masangkot sa mga kaso ng kurapsyon.

Ayon kay Garcia, karamihan sa kanila ay dahil sa pangongotong sa mga motorista. May mga kusang nag-resign matapos masampahan ng reklamo habang ay iba ay nag-AWOL na sa trabaho.

Pero kahit nabawasan ng tauhan, tiniyak naman ng MMDA na hindi ito makakaapekto sa kanilang trabaho.

Hihilingin naman ng MMDA sa Kongreso na taasan ang sahod ng kanilang mga enforcer upang huwag ng matukso na pumasok sa iligal na gawain ang mga ito.

Sa ngayon ay nasa P10,000 lang ang buwanang suweldo ng isang traffic law enforcer.

Pero iginiit ng ahensya na hindi pa rin sapat na dahilan ang maliit na sahod upang gumawa ng katiwalian.

Sa ngayon ay patuloy ang isinagawang training ng MMDA sa 300 na bagong batch ng traffic enforcers upang makadagdag sa kanilang idedeploy sa Metro Manila.

 

( Joan Nano / UNTV Correspondent )

Tags: , ,