90 indbidwal ang sinampahan ng reklamo ng DOJ-NBI Special Investigation Team dahil sa pagkamatay ng 35 limang tauhan ng PNP-SAF sa Brgy. Tukanalipao, Mamasapano, Maguindanao nitong nakaraang Enero.
Nahaharap ang mga suspek sa reklamong direct assault with murder dahil sa patuloy pagbaril sa mga tauhan ng PNP-SAF kahit alam na nila na mga pulis ang kanilang naka engkwentro.
Sinampahan din ng reklamong theft o pagnanakaw ang mga suspek dahil sa pagkuha ng mga baril at uniporme ng SAF at ng ibang personal kagamitan.
Limang testigo sa kaso ang hawak na ng DOJ at kasalukuyang nasa pangangalaga ng Witness Protection Program kabilang na ang panguhaing testigo na si alyas “Marathon.”
Nakita mismo umano ng mga testigo ang buong insidente kaya natukoy nila ang mga suspek.
Ngunit sa ngayon ay di muna inilabas ng DOJ ang pangalan ng mga inirereklamo dahil sa posibilidad na tumakas o magtago ang mga ito.
Ipadadaan naman ng DOJ sa pamunuan ng MILF at sa Ceasefire Committee ang subpoena para sa kanilang mga kumander at iba pang tauhan na sangkot sa insidente.
Tiwala naman ang kalihim at ang Malakanyang na hindi makakaapekto sa usapang pangkapayaan ang pagsasampa ng reklamo laban sa mga kumander at tauhan ng MILF.
Sa susunod na dalawang linggo posible namang matapos na ang ikalawang bahagi ng imbestigasyon na tututok sa pagkamatay ng siyam na miyembro ng 84th Special Action Company na lumusob sa bahay ng teroristang si Marwan sa Brgy. Pidsandawan.
Aalamin din dito kung hanggang saan ang naging partisipasyon ng mga sundalong Amerikano sa operasyon sa Mamasapano. ( Roderic Mendoza / UNTV News)
Tags: Ceasefire Committee, DOJ-NBI Special Investigation Team