90% ng quarries sa bansa, balik-operasyon na matapos bawiin ang suspensyon ng DENR

by Radyo La Verdad | September 28, 2018 (Friday) | 8639

Kinumpirma ni Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Roy Cimatu na maaaring nang magbalik-operasyon ang siyamnapung porsyento ng mga quarrying companies sa buong bansa epektibo kahapon.

Ito ay matapos makumpirma ng DENR na ligtas na sa quarrying operation at geohazard ang mga komunidad na nakatira malapit sa quarries.

Naglabas ang DENR ng suspension order sa operasyon ng quarrying companies noong nakaraang linggo matapos ang insidente ng landslide sa Naga City, Cebu na kumitil ng higit animnapung katao.

Ayon pa kay Secretary Cimatu, layon ng suspensyon na inspeksyunin ang mga quarry at mga kalapit na komunidad upang makasigurong ligtas ang mga residente sa landslide.

Inatasan rin ni Cimatu ang mga direktor ng Mines and Geosciences Bureau (MGB) na madaliin ang mga inspeksyon. Ito ay upang hindi maantala ang mga operasyon ng quarries at hindi magdulot ng pagtaas ng presyo ng construction materials.

Sasailalim pa umano sa masusing inspeksyon ang mga natitira pang kumpaniyang suspendido ang operasyon.

Bago ito payagan magbalik-operasyon, plano ng DENR na magsagawa ng relokasyon ng mga komunidad na nanganganib magkaroon ng landslide.

 

( Asher Cadapan Jr. / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,