90% ng mga pampasaherong jeepney sa Laguna, nakiisa sa tigil-pasada

by Radyo La Verdad | March 19, 2018 (Monday) | 5133

Stranded ang maraming pasahero sa iba’t-ibang bahagi  ng Laguna  bunsod ng isinagawang malawakang tigil-pasada ng grupong PISTON ngayong araw.

Ang mga tricycle ang pansamantalang humalili bilang transportasyon sa iba’t-ibang lugar sa probinsiya. Mayroon ding inihandang libreng sakay ang lokal na pamahalaan upang maghatid sa mga stranded na pasahero.

Ayon kay Rolando Mingo, bise presidente ng Southern Tagalog region transport sector, nobenta porsyento ng kanilang mga pampasaherong jeepney ang nakiisa sa transport strike na nagsimula alas singko ng madaling araw.

Bukod sa Laguna, naramdaman  din ang tigil-pasada sa Cavite, Batangas, Rizal, Quezon at sa Cebu.

Isang kilos-protesta din ang ginawa sa Cebu City ng grupong PISTON-Cebu at bayan ng Central Visayas.

Layunin nitong maipaabot kay Pangulong Rodrigo Duterte ang kanilang pagtutol sa planong public utility jeepeney phase-out.

Ikinababahala ng grupo na posibleng marami ang mawawalan ng trabaho lalo na ang maliliit lamang na operator at tsuper kung tuluyang maipatutupad ito.

Tinatayang aabot sa limampung indibidwal ang nakilahok sa nasabing protesta.

Ganun pa man hindi ito nakaabala sa publiko at mapayapang nagtapos ang kanilang programa.

 

( Sherwin Culubong / UNTV Correspondent )

Tags: , ,