9 sa 17 Metro Manila Mayors, pabor sa pagsasailalim sa NCR sa MGCQ status simula sa Marso

by Erika Endraca | February 19, 2021 (Friday) | 2349

METRO MANILA – Sa botong 9-8, mas marami ang alkaldeng pumabor sa pagluluwag ng quarantine restrictions sa National Capital Region sa susunod na buwan.

Dahil dito, irerekomenda ng Metro Manila Mayors sa IATF na isailalim sa Modified General Community Quarantine ang rehiyon simula sa March 1.

Bagaman napagkasunduan ng mga alkalde na huwag isapubliko ang kanilang posisyon, ilan sa mga mayor ang nagkumpirma ng kanilang boto.

Kabilang na rito sina Mandaluyong City Mayor Menchie Abalos at Manila City Mayor Isko Moreno na bumoto pabor sa MGCQ.

Ayo naman kay MMDA Chairman Benhur Abalos, kailangang balansehin ng Metro Manila mayors ang kapakanan ng mamamayan sa aspeto ng kalusugan at kabuhayan.

Maaari pa rin naman aniyang magpatupad ng localized lockdown sa mga lugar na mataas ang kaso ng covid-19.

“Nakakatakot din naman yung nangyayari ngayon na maraming nagugutom, maraming walang trabaho. So, siguro dahil dito, inisip nilang maigi at ang nagging posisyon nga ay siguro mgcq para nang sa ganoon ay magkaroon ng tamang-tamang economic activities.” ani MMDA Chairman, Benhur Abalos.

Para naman kay Makati City Mayor Aby Binay, panahon na upang kumiling naman ang mga lokal na pamahalaan sa panig ng ekonomiya.

Nagpahayag naman ng pagkabahala si San Juan City Mayor Francis Zamora sa pagpapatupad ng MGCQ kung saan papayagan na ang iba pang aktibidad gaya ng pagbubukas ng mga sinehan na isang banta sa kalusugan ng tao.

Nagpasalamat naman ang Malacañang sa pagsuporta ng mga alkalde sa paglipat ng NCR sa MGCQ upang makabawi ang ekonomiya.

“Nagpapasalamat po tayo sa ating mga alkalde, uulitin ko lang po talaga lahat po tayo pinangangalagaan ang kalusugan pero kinakailangan po nating pangalagaan din ang mgahanay ng nagugutom na dahil po sa pandemiyang ito.” ani Presidential spokesperson Sec. Harry Roque.

Samantala, nagkasundo na rin ang MMC at IATF na payagan nang makalabas ng bahay ang mga edad 15 anyos pataas.

Maaari rin naman bawiin ito sakaling may makitang pagtaas muli ng Covid-19 cases.

(Asher Cadapan Jr. | UNTV News)

Tags: ,