9 rehiyon sa bansa, may local cases ng Delta – DOH Epidemiology Bureau

by Erika Endraca | August 5, 2021 (Thursday) | 2796

METRO MANILA – Umabot na sa 165 ang nasa talaan ng Department of Health (DOH) Epidemiology Bureau na natukoy nila na local Delta variant cases sa Pilipinas. Makikita ang mga ito sa 9 mula sa 17 rehiyon sa bansa.

Mayroon sa Ilocos Region ,National Capital Region , Central Luzon, Calabarzon Central Visayas Region, Eastern Visayas, Western Visayas ,Northern Mindanao at Davao.

Ayon kay Dr Alethea de Guzman ng DOH Epidemiology Bureau nananatiling nasa moderate risk classification ang buong bansa.

Ibig sabihin, 50% ng health system capacity ng bansa ay okupado o gamit na. Nguni’t kailangan maagapan ang paglobo ng kaso dahil sa Delta variant sa pamamagitan ng hard lockdown .

“Nakakatakot po but with correct messaging we can alleviate the panic that people and all sectors are experiening because of this” ani DOH Epidemiology Bureau OIC Director 3, Dr Alethea de Guzman.

Bukas, August 6 magsisimula na ang pagpapatupad ng Enhanced Community Quarantine hanggang sa August 20 sa NCR.

Ayon kay Presidential Adviser for Entrepreneurship Sec. Joey Concepcion, pabor siya na ngayon na ipatupad ang lockdown sa Metro Manila.

Upang maagapan ang pagtaas muli ng kaso sa bansa dahil sa COVID-19 Delta variant.

Mas mahirap na aniya kapag nangyari ang paglobo ng kaso sa 4th quarter ng taon kung saan marami ang umaasa na makababawi sa pagkalugi.

Muli’t muling pakiusap lang din ng otoridad sa publiko na maging responsable at manatili sa loob ng bahay sa pagpapatupad ng ECQ.

Ayon kay Cabinet Secretary at Co- Chair ng IATF Karlo Nograles, kung mapagtatagumpayan natin ngayong agosto na mapabagal ang pagtaas ng kaso. Posibleng ito na ang huling hard lockdown na ipapatupad sa bansa.

“Iyon din ang taimtim na nais naming mangyari na sana huli na itong ecq natin at magtuloy tuloy na. Nguni’t mangyayari lamang po ito kung lahat po tayo ay tutulong kung lahat po ay kusang – loob ng inaasahan mula sa kanila bilang mga kabahagi ng kabuoang pagtugon” ani Cabinet Secretary at Co- Chair ng IATF Karlo Nograles.

Ayon naman kay Department of the interior ang Local Government (DILG) Sec. Eduardo Año, posibleng bumuti ang sitwasyon ng bansa kapag naputol ang hawaan ng Delta variant sa pagpapatupad ng lockdown.

“We go on the lockdown for 2 weeks not only to save the lives of our fellow Filipinos but also to save the economy for Sept, October, November, December kumbaga parang sacrifice tayo ngayon para maisalba natin at magkaroon tayo ng mas magandang economic activities after this lockdown” ani DILG Sec Eduardo Año.

Sa kasalukuyan 216 ang kabuoang natukoy na Delta variant cases sa bansa, 17 ang aktibong kaso, 190 ang naka- recover na. At 9 ang nasawi dahil sa Delta variant.

Ang Beta variant na unang natuklasan sa South Africa pa rin ang pinakaraming naitala na COVID-19 variants of concern.

Nguni’t ayon sa mga eksperto posibleng may mga undetected na Delta variant cases dahil sa limitadong genome sequencing capacity sa Pilipina.

“We are working on the assumption that the cases that we are seeing with or without whole genome sequencing may already be Delta variant cases and our indicators are already showing that cases are rising so we need to act now and work synergistically” ani DOH Epidemiology Bureau OIC Director 3, Dr Alethea de Guzman.

(Aiko Miguel | UNTV News)

Tags: , ,