9 na inmate at isang pulis, nasugatan sa riot sa Quezon City Jail

by Radyo La Verdad | February 26, 2018 (Monday) | 3312

Nagkagirian ang grupo ng Sigue-Sigue Commando at Sputnik gang na ikinasugat ng siyam na inmates at isang pulis sa Quezon City Jail kahapon ng hapon.

Mabilis na rumesponde ang mga tauhan ng Bureau of Jail Management and Penology o BJMP at Quezon City Police para matigil ang kaguluhan ngunit kahit nagwawarning shot ang mga otoridad, tuloy-tuloy pa rin sa batuhan at pagtirador ng pana ang dalawang grupo.

Dumating din ang mga tauhan ng Special Weapon and Tactics o SWAT upang tumulong na matigil ang kaguluhan. Makalipas ang mahigit kalahating oras, humupa ang gulo.

Nagkataon naman na maraming dalaw ang mga preso kayat nagtago pa ang mga ito sa kulungan habang nag-rariot. Wala namang nasugatan sa mga sibilyan na ang ilan ay may dala pang mga bata.

Samantala, nakumpiska sa ilang inmates ang mga improvised na bala ng pana.

Dinala naman ang mga sugatan sa clinic ng jail na nagtamo ng sugat sa iba’t-ibang bahagi ng katawan habang ang isang inmate ay dinala sa hospital matapos itong saksakin.

Dahil sa nangyari, magsasagawa muli ang BJMP at QCPD ng oplan grayhound sa piitan ng Quezon City Jail.

Sa ngayon ay patuloy pa rin ang imbestigasyon ng mga otoridad sa insidente.

 

( Reynante Ponte / UNTV Correspondent )

Tags: , ,