9-anyos na minimum age of criminal responsibility, aprubado na sa committee level

by Jeck Deocampo | January 21, 2019 (Monday) | 2888

METRO MANILA, Philippines – Walang nangyaring botohan sa House Committee on Justice ngayong araw kundi nagkasundo na lamang ang mga miyembro ng kumite na ipasa sa committee level ang panukalang ibaba sa siyam na taong gulang ang minimum age ng criminal responsibility.

Sa panukalang batas na ito lahat ng batang siyam na taong gulang na lalabag sa batas ay maaari nang parusahan mula sa kasalukuyang labing limang taong gulang. Ayon sa kumite, ilan sa mga dahilan kaya nagpasya silang isulong ang panukalang batas ay dahil sa tumataas na bilang ng mga batang nasasangkot sa krimen at paggamit sa kanila ng mga sindikato.

Paliwanag ng mga kongresista, hindi dapat mangamba ang publiko sa pagpapababa ng minimum age ng criminal responsibility. Sa ilalim ng panukalang batas, hindi ikukulong ang mga batang makagagawa ng paglabag kundi isasailalim lamang sila sa mga intervention program at dadalhin sa Bahay Pangarap.

Dagdag pa ng mga mambabatas, mayorya ng mga kalapit-bansa ng Pilipinas ay nagpapatupad rin ng katulad na batas katulad ng Hongkong, Malaysia, Singapore, Thailand, Australia, Indonesia, Myanmar, Brunei Darusalam, Amerika, England at Switzerland.

(Grace Casin | UNTV News)

Tags: , , ,