Walumpu’t siyam na sinkholes ang natagpuan ng Western Visayas Mines and Geosciences Bureau sa bayan ng Buenavista, Guimaras Island matapos ang isinagawang preliminary geohazard mapping and assessment program.
Sa kanilang pagsusuri, ang ilang sinkhole ay may lawak na isang kilometro at nasa 50 metro ang lalim habang ang iba naman ay makikita lamang kapag ginamitan ng ground penetrating radar.
Labimpitong barangay sa Buenavista ang napa-ulat na may sinkholes na mapanganib sa mga residente dahil anumang oras ay maaaring gumuho ang lupa na kinatitirikan ng mga bahay at mga gusali.
Kamakailan ay may napaulat na mga taong nahulog sa mga nabuong sinkhole sa Kabankalan city sa Negros Occidental at may hayop ring namatay matapos mahulog sa butas.
Paliwanag ng mga eksperto, ang sinkholes ay nabubuo kapag ang mga pundasyon na bato o limestone rocks sa ilalim ng lupa ay natutunaw sa madalas na pagdaloy ng tubig na nagreresulta sa pagguho ng lupa.
Maaaring dahilan rin ng sinkhole ay ang pagkabutas ng limestone na nasa ibabaw ng isang kweba o tinatawag na cave access.
Pinag-iingat naman ng MGB ang mga residente at pinayuhang lumikas na lamang kung hindi nakakasigurong matibay ang pundasyon ng lupa lalo’t panahon na ng tag-ulan.
Tiyakin din na bago magtayo ng gusali ay ligtas ang lupa sa sinkholes sa pamamagitan ng pag-konsulta sa mga eksperto at geologist.
(Lalaine Moreno / UNTV Correspondent)