8888, opisyal nang gagamitin bilang citizens’ complaint hotline number

by Radyo La Verdad | October 26, 2016 (Wednesday) | 3600

rosalie_hotline
Sa bisa ng Executive Order Number Six, iniutos na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang paggamit sa telephone number 8888 bilang citizen’s complaint hotline number.

Sa pamamagitan nito, maaaring ilapit ng sinuman ang kanilang mga reklamo hinggil sa red tape at katiwalian ng mga empleyado sa government-owned o controlled corporation at government financial institutions.

Ang 8888 citizens’ complaint center ay inilagay sa ilalim ng pangangasiwa ni Cabinet Secretary Jun Evasco katuwang ang opisina ng Special Assistant to the President na si Bong Go.

24 hours a day, seven days a week ang operasyon nito at ang mga ahente ang tatanggap ng tawag at reklamo sa pamamagitan ng telephone hotline facility.

Bukod sa tawag sa telepono, iniatas din ni Pangulong Duterte ang paglikha ng iba pang communication channels para sa citizen complaint number tulad ng text messaging, electronic mail, website, at social media.

Kahapon, muling sinabi ni Pangulong Duterte sa Filipino community sa Japan ang kaniyang hangaring tuluyang alisin ang korupsyon sa pamahalaan.

Balak niya ring isahimpapawid ang mga reklamong tinatanggap sa citizens’ complaint hotline number sa pamamagitan ng government television station.

Bawat reklamong tinatanggap ng citizens’ complaint hotline number ay ire-refer sa concerned government agency at kailangan itong maaksyunan sa loob ng tatlong araw.

(Rosalie Coz / UNTV Correspondent)

Tags: ,