Inanunsyo ng National Bureau of Investigation (NBI) na sinampahan ng kasong graft and corruption o ang paglabag sa Sec. 3(A) at 3(J) ng R.A. 3019, ang 86 pang tauhan ng Bureau of Immigration (BI) na sangkot sa sikat na money-laundering scheme o mas kilala bilang “pastillas scam”.
Ayon sa OIC ng NBI na si Eric Distor, natuklasan ang nasabing anomaliya matapos ibulgar ng whistle blower na si Allison Chiong ang katiwaliang nangyayari sa loob ng naia sa ginanap na Senate Committee Hearing of the Committee on Women, Children, Family relations and Gender Equality na pinangungunahan ni Senator Risa Hontiveros.
Ayon sa sworn statement ni Chiong, pinatutunayan nito na may kinalaman ang ilan sa mga opisyal at tauhan ng Bureau of Immigration sa sikat na money-making scheme.
Kaya naman nag isyu ng special order ang Department Of Justice (DOJ) at ang national Bureau of Investigation na naglalayong bumuo ng isang task force na tututok sa pagiimbestiga sa sinasabing human trafficking syndicate na kinasasangkutan ng mga tauhan ng BI.
Ilang araw matapos masampahan ng parehong kaso ang unang batch ng mga sangkot sa natuklasang anomaliya, isa sa mga akusadong immigration officer na nagngangalang, Jeffrey Dale Ignacio, ang nakipagtulungan sa mga otoridad upang mapabilis ang imbestigasyon at matukoy ang mga ilan pang mga sangkot sa sinasabing pastillas group.
Inamin ni Ignacio na miyembro siya ng pastillas group at narecruit ng isa sa mga akusadong immigration officer noong 2017. Kinumpirma niya na ang natuklasang pastillas group ay totoo at sinabing halos 90% ng mga immigration officers/immigration personel sa naia ay mga miyembro din ng nasabing grupo
Ipinahayag din ni Ignacio na lahat ng mga pangalang binanggit ni Chiong sa kanyang sworn statement ay totoong mga opisyal at mga miyembro ng sindikatong grupo, na ayon sa NBI ay nagpapatunay na sila ay nagtutulungan at magkakasabwat na tumatanggap at humihingi ng pera sa mga pumapasok na foreign nationals lalo na ang mga galing China.
Tinukoy di ni Ignacio ang mga leader at miyembro ng pastillas group maging ang mga Chinese suppliers nito na kabilang sa 86 na immigration officers/personnel na kinasuhan.
(Syrix Remanes | La Verdad Correspondent)
Tags: Pastillas Scam