81,000 kaso ng dengue, naitala sa buong bansa ngayong taon

by Radyo La Verdad | August 30, 2018 (Thursday) | 5828

Umabot na sa mahigit walumpu’t isang libo ang naitatalang kaso ng dengue sa buong bansa batay sa datos ng Department of Health (DOH) mula Enero hanggang Agosto ngayong taon. Nadagdagan din ang bilang ng mga nasawi sa sakit na ngayon ay nasa apat na raan at labing-walo na.

Mas mataas ito ng anim na porsyento kumpara sa halos 77,000 na kaso ng dengue noong taong 2017.

Nangunguna sa may pinakamataas na kaso ng dengue ang Central Luzon, Calabarzon, pangatlo ang Metro Manila, sinundan ng Northern Mindanao at Western Visayas.

Karaniwang tumataas ang kaso ng dengue tuwing tag-ulan o pagsapit ng buwan ng Hunyo hanggang Agosto.

Nguni’t umaasa ang DOH na mas mababa ang kalalabasan ng kaso ng dengue ngayong taon dahil mas lumalawak na umano ang kamalayan ng publiko sa pagsugpo sa dengue at sa mga sintomas nito.

Samantala, nadoble naman ang naitalang kaso ng leptospirosis sa buong bansa nitong Agosto.

Mula sa 1,185 na kaso noong taong 2017, umabot na ngayon sa 2, 628 ang kaso ng leptospirosis sa bansa. Dumami rin ang bilang ng nasawi dahil sa naturang sakit.

Kaya naman patuloy pa rin ang pag-iikot ng DOH sa mga komunidad at paaralan upang magbigay ng sapat na impormasyon sa pag-iwas sa mga nakamamatay na sakit tulad ng dengue at leptospirosis.

 

( Aiko Miguel / UNTV Correspondent )

Tags: , ,