800,000 individuals, target mabakunahan kada araw pagpasok ng buwan ng Nobyembre

by Radyo La Verdad | October 25, 2021 (Monday) | 3537

METRO MANILA – Target ng Department of Health (DOH) na makatanggap ng COVID-19 shots ang 800,000 na Pilipino kada araw pagpasok ng buwan ng Nobyembre.

Batay sa tala ng DOH noong Biyernes, October 22, umabot na sa mahigit 700,000 ang nabakunahan kontra COVID-19 sa loob lamang ng isang araw.

“Kapag tiningnan po natin mayroon po tayong 500,000 na target per day ngayong Oktubre. By November, ang atin pong projection at ang ating target is 800,000 per day” ani DOH Spokesperson, Usec Maria Rosario Vergeire.

Itinaas na rin ng pamahalaan sa 90% o 99.2 million na populasyon sa Pilipinas ang dapat mabakunahan upang makamit ang herd immunity.

Ayon sa DOH, posible rin namang mabakunahan na ang 70% o katumbas ng 77.1 million ng populasyon ng Pilipinas bago matapos ang taong 2021.

Ito ay dahil sa patuloy na rin na pagdating ng supply ng COVID-19 vaccines ngayong -ber months.

“Kapag tiningnan po natin, may mga targets tayong gustong makamit para pagdating po ng Disyembre we will be able to at least cover 70% of our population. Sa tingin po namin, mukhang kaya nating gawin lahat ito para bumilis ang bakunahan, mas madami po ang maprotektahan dito po sa ating bansa” ani ani DOH Spokesperson, Usec Maria Rosario Vergeire.

As of October 23, 2021 55.5 million COVID-19 vaccine doses na ang naibakuna sa Pilipinas.

Katumbas ito ng 29.8 million na nakatanggap ng kanilang first dose at 25.6 million naman na eligible population ng bansa ang fully vaccinated na.

Batay din sa ulat ng DOH mayroon nang 8,639 na mga menor de edad na may comorbidity ang nakantanggap na ng kanilang first dose ng COVID-19 vaccine.

Paalala ng muli ng DOH, makakatulong ang pagpapabakuna upang magtuloy-tuloy na ang pagbubukas ng ekonomiya ng Pilipinas.

At ito rin ay proteksyon upang hindi magkaroon ng malalang COVID-19 infection, pagkaka- ospital at pagkasawi ng mga tao.

Nguni’t hindi ibig sabihin ay mababalewala na ang mga safety at health protocols kontra COVID-19. Ang pagpapabakuna ay isa lamang layer ng proteksyon kontra COVID-19

(Aiko Miguel | UNTV News)

Tags: ,