800 pamilyang apektado ng baha dulot ng Bagyong Ompong sa Nueva Ecija, humihiling ng tulong sa pamahalaan

by Radyo La Verdad | September 17, 2018 (Monday) | 13861

Nakalabas na ng bansa ang Bagyong Ompong, pero hanggang ngayon ay ramdam pa rin ng mga taga Barangay San Juan ACCFA sa Cabanatuan City sa Nueva Ecija ang pinsala nito.

Hanggang ngayon, lubog sa baha na aabot sa limang talampakan ang kanilang lugar

Sa ngayon ay wala silang mapagkunan ng pagkakakitaan dahil karamihan sa mga ito ay magsasaka, tricycle driver at vendors.

Ayon sa mga residente, aabutin pa ng tatlong araw bago humupa ang baha. Kaya naman, humihiling sila ng tulong sa lokal na pamahalaan kahit pang pagkain.

Sa kabila nito ay nagpapasalamat pa rin ang ilang residente dahil hindi kasing lalim ng baha na idinulot ng nagdaang Bagyong Santy, Lando at Nona ang idinulot ng Bagyong Ompong.

Samantala, nakauwi na rin ang mahigit isang daang mga residente na kusang lumikas noong Biyernes mula sa Barangay Aduas Norte, Aduas Centro, at Aduas Sur na pansamantalang nanuluyan sa ilang mga evacuation centers sa Cabanatuan City.

Habang nasa apatnaraang evacuees pa ang nanatili sa evacuation centers habang naghihintay na lubusang humuhupa ang tubig baha sa kanilang barangay.

 

( Danny Munar / UNTV Correspondent )

Tags: , ,