8 patay, 6 nawawala sa pananalasa ni Bagyong Ursula sa Western Visayas

by Erika Endraca | December 26, 2019 (Thursday) | 9898

METRO MANILA -Binayo ng ilang oras na malalakas na hangin ang Capiz nang manalasa ang Bagyong Ursula Kahapon (Dec. 25). Ilang mga bahay rin ang nawalan na ng bubong.

8 na ang nasawi habang 6 ang nawawala sa Western Visayas dahil sa Bagyong Ursula. Ilan sa mga biktima ay mula sa Iloilo at Capiz base sa report ng Department of the Interior and Local Government Western Visayas.

Lumubog sa baha ang mga unang palapag ng mga bahay at sasakyan sa President Roxas, Capiz. Ang ilang residente nasa bubong na ng kanilang bahay. Ang mga alagang hayop natagpuan na ring patay matapos malunod.

Buong lalawigan ng Aklan at ilang lugar sa Capiz, Antique at Iloilo ang wala pa ring suplay ng kuryente. Pahirapan rin sa linya ng komunikasyon.

Sa ngayong nasa 1,000 pamilya o mahigit 4,000 indibidwal naman kasalukuyan ay nasa mga evacuation centers na. Sapat naman umano ang relief goods ng Department of Social Welfare and Development  (DSWD) para sa mga ito.

“Initially we can provide them as long na may request na sila or augmentation since ang mga LGU natin may ari man sila stock pile “ ani DWSD 6 Division Chief, Luna Moscoso.

Nagsasagawa na rin ng assessment ang mga otoridad ang Northern Iloilo, Capiz at aAklan kung saan lubhang naapektuhan ng bagyo.

(Lalaine Moreno | UNTV News)

Tags: