Sa isang statement na inilabas sa official publication ng University of Sto. Tomas na “The Varsitarian”, kinumpirma ng pamunuan ng UST na ini-expel na sa paaralan ang walong law students na mayroong koneksyon sa pagkamatay ni Horacio “Atio” Castillo.
Ayon sa pahayag, napatunayan umano ng komite na nag-imbestiga sa pagkasawi ni “Atio” na lumabag ang walo sa Code of Conduct and Discipline. Ang komite ay binubuo ng anim na school administrators at isang myembro ng Central Student Council.
Tiniyak ng mga ito na nagkaroon ng due process sa imbestigasyon at magpapatuloy ito hanggang sa mapanagot ang lahat ng sangkot sa pagkamatay ni “Atio”. Hindi naman pinangalanan ng paaralan kung sino-sino ang mga estudyanteng na-expel. Ikinatuwa naman ng pamilya ni Atio ang nangyari.
Ayon kay Ginang Castillo, inaasahang magtuloy-tuloy na ang pagsulong sa pagkamit ng katarungan sa pagkamatay ng kaniyang anak at marami pang katanungan ang dapat na sagutin ng mga pangalang nadawit sa kaso ng kanilang anak gaya ni UST Law Dean Nilo Divina at ng faculty secretary nito na si Arthur Capili at isang Irvin Fabella.
Plano umano ng mga magulang ni Castillo na dalhin ang kaso sa Vatican pagkababa ng resolusyon mula sa Department of Justice.
Posible namang mahaharap disbarment si Divina at ilan pa dahil sa umano’y cover-up sa kaso ng hazing ni Castillo.
( Asher Cadapan Jr. / UNTV Correspondent )
Tags: Atio, law students, UST