Nasa anim hanggang walong banyagang terorista ang kabilang sa 20 hanggang 30 natitirang kalaban na tinutugis ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police sa Marawi City. Karamihan sa mga ito, Malaysian at Indonesian ang nationality.
Ayon kay AFP Spokesperson Major General Restituto Padilla, naniniwala ang militar na kabilang pa sa mga ito ang Malaysian lecturer na si Dr. Mahmud Ahmad, ang nalalabing high value target sa grupo.
Si Mahmud ang sinasabing nagpondo ng nasa 300 hanggang 600 libong dolyar upang makubkob ng mga terorista ang Marawi City.
Itinanggi naman ng Department of National Defense na si Mahmud na ang humaliling emir ng ISIS sa Southeast Asia matapos na mapaslang ng mga sundalo si Isnilon Hapilon.
Samantala, nasa 80 gusali pa ang lawak ng battle area sa Marawi samantalang 20 pa ang natitirang bihag ng mga terorista.
Hindi pa makababalik ang mga residente sa kanilang mga tirahan hangga’t hindi natatapos ang bakbakan at totally cleared ang areas mula sa mga iniwang pampasabog ng mga terorista.
Panawagan naman ng Malakanyang sa mga nalalabing kaaway, gamitin ang nalalabing pagkakataon upang sumuko sa mga otoridad.
Tiniyak din ng pamahalaan na susupilin ang mga nalalabi pang grupo ng mga terorista na nasa Mindanao.
( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )
Tags: 8 foreign terrorists, Marawi City, military operations