Ang barangay Laiban ay isang bulubunduking komunidad sa Tanay, Rizal. Kinakailangang magbyahe ng tatlong oras sakay ng jeep at habal-habal upang makarating sa lugar mula sa bayan ng Taytay.
Dahil dito, problema ng mga residenteng nagkakasakit ang pagpapatingin sa doktor dahil walang mga ospital o klinika sa lugar at kinakailangan pang magbyahe ng malayo at gumastos ng malaki. Mayroon umanong pumupuntang doktor sa lugar paminsan-minsan ngunit hindi lahat ay na-aaccomodate ng mga ito. Kaya naman ito ang lugar na napili ng UNTV at Members Church of God International upang pagdausan ng libreng medical mission at iba pang serbisyo.
Nagpasalamat din ang mga residente dahil kamakailan ay pinagkalooban ng Bangko Sentral ng Pilipinas ng libreng school supplies ang mga estudyante sa laiban National High School. Ito’y matapos mapanuod ang balita ng UNTV noong June 8 tungkol sa pinagdaraanan ng mga estudyante rito upang makatapos lamang ng pag-aaral.
Umabot sa mahigit pitong daan ang napaglingkuran sa iba’t-ibang medical at dental services at legal consultation.
(Jennica Cruz / UNTV Correspondent)
Tags: medical mission, Tanay Rizal, UNTV at MCGI