75 mining agreements sa bansa, pansamantalang kinansela ng DENR dahil sa pinsala sa mga watershed

by Radyo La Verdad | February 14, 2017 (Tuesday) | 970


Pinagpapaliwanag ng Department of Environment and Natural Resources ang iba’t-ibang mining companies sa bansa matapos na pansamantalang kanselahin ng ahensya ang nasa 75 mineral production sharing agreement ng mga kumpanyang nag-ooperate malapit sa watershed.

Nagdesisyon ang DENR na kanselahin ang mga nasabing kasunduan dahil sa epekto nito sa watershed bunsod ng walang habas na pagmimina.

Kabilang sa mga sinuspinde ng DENR, ang nasa 27 mining agreement sa Luzon, 11 sa Visayas at 37 sa Mindanao Region.

Kabilang naman sa mga naisyuhan na ng show cause order ang Marc Ventures, Benguet Corporation, Nickle Asia at iba pang mining firms.

Pitong araw ang ibinibigay na palugit ng DENR para magbigay ng paliwanag ang mga nasabing mining company.

Tiniyak naman ng DENR na wala itong magiging epekto sa kabuhayan ng mga nagtatrabaho sa minahan dahil non-operational naman ang mga ito sa ngayon.

Samantala, dumipensa naman si Sec. Lopez sa isyu na maraming foreign investors na ang nangangambang mamuhunan sa bansa dahil sa sunod-sunod na pagpapasara ng malalaking mining companies.

Giit ng kalihim, ginagawa lamang niya ang kanyang tungkulin na pangalagaan ang likas na yaman ng bansa at kapakanan ng mga taong higit na maaapektuhan kapag tuluyan itong nasira.

(Joan Nano / UNTV Correspondent)

Tags: ,