Smartmatic, naghain ng protesta sa COMELEC para bawiin ang disqualification nito sa bidding ng OMR machines

by monaliza | March 15, 2015 (Sunday) | 1795

OMRSMARTMATIC 031615

Naghain ng protesta ang Smartmatic-Total Information Management Corporation sa Commission on Elections na humihiling na baligtarin ang naunang desisyon ng pollbody na nagdiskwalipika sa kanila na makilahok sa bidding ng mga bagong voting machine para sa 2016 elections

Inihain ng Smartmatic ang naturang protesta sa Bids and Awards Committee ng COMELEC matapos ibasura ang kanilang motion for reconsideration makaraang idiskwalipika ang kumpanya sa ikalawang yugto ng bidding para sa pagpapaupa ng direct recording electronic at optical mark reader (OMR) machines.

Kasabay nito, hiniling rin ng Smartmatic sa poll body na i-blacklist ang Spanish company na Indra Sistemas dahil sa pagbibigay ng maling impormasyon at sa pagsisinungaling

Ang dalawang kumpanya ang naglalaban ngayon sa bidding para makakuha ng kontrata para sa pagpapaupa ng hindi bababa sa 23,000 OMR machines bilang supplement sa mga lumang precinct count optical scan (PCOS) machines na gagamitin sa 2016 elections.