74 Pilipino mula sa mga bansang sakop ng travel ban, nagpositibo sa Covid-19

by Erika Endraca | January 6, 2021 (Wednesday) | 15344

METRO MANILA – Iniulat ni Covid-19 Task Force Deputy Chief Implementer at Testing Czar Vince Dizon na higit na sa 3,600 Pilipino ang dumating sa Pilipinas galing sa 21 bansang sakop ng travel restrictions dahil sa banta ng bagong Coronavirus variant.

Mula ito noong December 22 hanggang January. Sa bilang na ito, 74 ang nagpositibo sa Coronavirus disease at sinusuri na ang kanilang specimen para malaman kung mayroon bang bagong UK variant.

“So ang mga specimen po na ito na nakuha natin sa ating mga kababayan na nanggaling doon sa 21 countries ay pinadala na po natin sa Philippine Genome Center ng UP at sa RITM para po pag-aralan ito para malaman po natin kung mayroon pong new variant dito sa mga nagpositibong 74.” ani Covid-19 Task Force Deputy Chief Implementer at Testing Czar Vince Dizon.

Dagdag pa ng opisyal, ang bilang ay nangangahulugan ng 2% positivity rate. Bagaman mababa ito, hindi naman dapat maging kampante ang gobyerno upang matiyak na di makakapasok sa bansa ang pinangangambahang virus.

Dapat din aniyang tiyaking maayos at mahigpit na naipatutupad ang 14-day quarantine sa lahat ng mga balik-bayan. Nakiusap naman ang opisyal sa mga Pilipinong may planong umuwi sa Pilipinas galing sa mga bansang may kumpirmadong kaso na ng bagong Covid-19 variant na kung posible, ipagpaliban muna ang kanilang pagbiyahe.

“Kung hindi naman po importante at urgent ang inyong pag-uwi eh baka po mas maganda ipagpaliban po muna ang inyong pag-uwi sa pilipinas para na rin po hindi ho kayo mahirapan at kailangan mag-14-day quarantine. Pero kung kayo po talaga ay kailangang umuwi eh pasensiya na lang po, hinihingi po natin ang inyong pag-iintindi at pasensiya, kailangan po talaga nating gawin ito. Pero pipilitin naman po natin na maayos at mabuti naman po ang inyong kalalagyan kapag po kayo ay nagma-mandatory 14-day quarantine.” ani Covid-19 Task Force Deputy Chief Implementer at Testing Czar Vince Dizon.

(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: ,