74% ng mga Pilipino, tutol sa pagpapatupad ng Martial Law bilang solusyon sa mga suliranin sa bansa-Pulse Asia Survey

by Radyo La Verdad | January 11, 2017 (Wednesday) | 3831

aga_pulse-asia-survey
Tutol ang 74 % ng mga Pilipino sa pagpapatupad ng batas militar para resolbahin ang mga problema sa bansa batay sa pinakahuling Pulse Asia Survey.

12 % lamang ang sang-ayon, samantalang 14 % naman ang di makapagdesisyon.

1,200 Pilipino ang kinapanayam ng Pulse Asia Survey mula December 6 hanggang 11, 2016.

Nangingibabaw ang pagtutol sa batas militar sa lahat ng dako ng bansa, gayundin sa lahat ng uri ng socio-economic classes, age groupings at gender.

Isa sa mga mahalagang pangyayari bago isinagawa ang survey ay ang pagpapahintulot ng Korte Suprema na mailibing si dating Pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani na siyang nagpatupad ng batas militar noong 1972.

Samantala, umaasa naman si Sen. Bam Aquino na pakikinggan ng palasyo ang hiling ng marami kontra sa Martial Law lalo’t malalim ang sugat na iniwan nito sa mga biktima ng human rights violation sa ilalim ng rehimeng Marcos.

Naniniwala rin ang senador na nangangailangan ng bagong paraan upang maresolba ang problema ng bansa sa illegal drugs at terorismo.

Iginiit naman ni Presidential Spokesperson Ernesto Abella na matagal nang sinabi ni Pangulong Duterte na walang magandang maidudulot sa buhay ng mga Pilipino ang pagpapatupad ng Martial Law.

(Aga Caacbay / UNTV Correspondent)

Tags: , ,