73 anyos na lola, nagsilbing inspirasyon sa mga out of school youth at mga guro sa San Rafael, Bulacan

by Radyo La Verdad | November 20, 2018 (Tuesday) | 12157

May kasabihan na no one is too old to learn, kaya naman hindi naging hadlang ang katandaan para sa 63 anyos na si Marietta de Leon ng San Rafael Bulacan upang magpatuloy sa pag-aaral sa ilalim ng Alternative Learning System (ALS) ng Department of Education (DepEd).

Ayon kay Lola Marietta, mahirap ang kanilang naging buhay kaya hanggang elementarya lang ang kanyang natapos. Isang magsasaka ang kanyang ama, habang plain housewife naman ang kanyang ina.

Ngunit dahil nais niya talagang makapagtapos at may maipagmalaki sa kanyang mga anak, hindi niya inalintana ang pangungutya sa kanya sa kanyang pagbabalik sa eskwela.

Dahil sa pagpupursigeng ito ni Lola Marietta, marami sa mga out of school youth ang nahikayat na muling ipagpatuloy ang kanilang pag-aaral kahit na mahirap ang buhay na kanilang nararanasan.

Maging ang isa sa kanyang labindalawang anak na hindi nakapagtapos ng pag-aaral ay nagpaplanong pumasok sa ALS sa susunod na taon.

Naging isang hamon at ispirasyon naman para kay Teacher Lenard ang pagtuturo sa mga nasa ALS program kagaya ni Lola Marietta.

Kinakailangan pa niyang lakbayin ang mga liblib na lugar upang mahanap ang mga out of school youth at mga matatandang nagnanasa pang makapagtapos sa pag-aaral.

Patuloy naman ang pagtaas ng bilang ng mga estudyante at out of school youth na pumapasok sa ALS sa lalawigan ng Bulacan.

Naglagay na din ang DepEd ALS ng mga mobile teachers na magtuturo sa mga rehabilitation center at mga piitan ng tao upang maabot din ang mga ito ng kaalaman hatid ng ALS.

Si Lola Marietta ang pinakamatandang naging estudyante ng ALS sa buong lalawigan ng Bulacan. Nakatakdang siyang magtapos sa susunod na taon.

 

( Gerry Galicia / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,