Isang chief inspector, isang senior inspector at pitumpung non-commissioned officer na may ranggong P01 hanggang SP04 ang tinanggal sa pwesto ng Quezon City Police District kaugnay sa nagpapatuloy na internal cleansing ng organisasyon.
Tatlo sa mga nirelieve na police officer galing sa Station 3 ay dahil sa paglabag sa Anti-Torture Law.
Habang ang animnapu’t siyam ay dahil umano sa pagkakasangkot sa sindikato ng iligal na droga.
Miyembro ng Anti -Drugs Unit ang karamihan sa mga narelieve.
Pansamantalang mananatili sa District Headquarters Support Unit ng QCPD ang naturang mga pulis habang sumasailalim sa imbestigasyon.
Sakaling mapatunayang sangkot sa iligal na gawain, sasampahan sila ng reklamo at aalisin sa serbisyo.
Kung hindi naman mapatunayan ang pagkakasangkot sa operasyon ng illegal na droga makapagpapatuloy sila bilang pulis subalit hindi na ibabalik sa Anti-Drugs Operation Unit.
Sa tala ng QCPD, sa ngayon aabot na sa isangdaan at apatnapung pulis sa Quezon City ang iniimbestigahan dahil sa alegasyong sangkot sa sindikato ng iligal na droga.
Noong Hulyo 88 pulis mula Station 6 at District Anti-Illegal Drugs Unit ang nirelieve ng QCPD dahil rin sa suspetsa ng pagiging sangkot sa negosyo ng iligal na droga subalit 17 na sa mga ito ang naabswelto.
Samantala, simula July 1 mahigit anim na libo at limang daan na drug users at drug pushers ang boluntary sumuko sa mga otoridad sa Quezon City.
Mahigit animnaraan naman ang nahuli ng mga pulis habang 47 naman ang napatay na mga suspek sa patutulak ng iligal na droga matapos umanong manlaban sa anti-drug operation ng Quezon City Police.
(Victor Cosare / UNTV Correspondent)
Tags: pwesto ng QCPD