72 indibidwal kabilang ang mga menor de edad, sinagip sa panganib sa lansangan sa Pasay City

by Radyo La Verdad | August 25, 2017 (Friday) | 3726

Nailigtas ng Department of Social Welfare and Development ang limapu’t-limang matanda at labing-pitong menor de edad sa isinagawang reach out program sa mga lansangan ng Pasay City kagabi.

Karamihan sa mga ito ay hindi lehitimong taga Pasay City at palaboy-laboy lang sa iba’t-ibang syudad kasama ang kanilang mga anak.

Ayon kay Potchoy Sahirul, Social Welfare Officer II, dalawang beses sa isang buwan isinasagawa ang ganitong rescue operation ngunit pinakamababa na ang bilang na ito sa nakalipas na ilang buwan. Karaniwan sa kanilang operasyon ay higit sa isang daan ang mga nasasagip.

Ayon pa kay Sahirul,  bibigyan nila ng food at transportation assistance ang mga nangangailangan at isasailalim sa briefing and counseling ng ahensya.

Samantala, dinala ang dalawampu’t lima sa mga ito sa DSWD NCR sa Jose Fabella Center. Habang dadalhin ang mga kabataan sa Pasay City Youth Home at sa Social Development Center.

 

(Asher Cadapan Jr. / UNTV Correspondent)

Tags: , ,