Pansamantalang nanatili ngayon sa basketball court ng Barangay Poblacion, Muntinlupa City ang nasa 71 pamilyang nawalan ng tahanan dahil sa nangyaring sunog sa kanilang lugar kahapon, Hulyo 23, 2015.
Ayon sa Bureau of Fire Protection-Muntinlupa, nagsimula ang sunog bandang alas-4:55 ng hapon kahapon sa residential area sa Prinza St.
Umabot sa 3rd alarm ang sunog at tumagal ng dalawang oras bago naapula ang apoy. Yari sa light materials ang mga bahay kaya’t mabilis kumalat ang apoy.
48 bahay ang natupok ng apoy at tinatayang aabot sa P3 milyon ang halaga ng mga ari-ariang napinsala.
Wala namang nasawi o nasugatan sa insidente maliban sa dalawang napaulat na isinugod sa ospital dahil sa smoke inhalation.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad nagsimula ang sunog sa bahay ni Elvira Nicolas ngunit di pa matukoy ang sanhi nito.
Sa ngayon ay binigyan na ng lokal na pamahalaan ng pagkain at iba pang gamit ang mga apektadong residente.(Reynante Ponte/UNTV Radio)