71 libreng kurso sa TESDA, maaaring makuha sa pamamagitan ng online training program

by Erika Endraca | September 21, 2020 (Monday) | 2106

METRO MANILA – Umabot sa 200 libreng kurso ang iniaalok ngayon Ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) para makatulong sa kabuhayan ng ating mga kababayang naapektuhan ng pandemya.

At dahil sa ipinatutupad na health and safety protocols at quarantine restrictions, naglagay ang TESDA ng 71 kurso na maaaring kunin sa pamamagitan ng kanilang online training program.

Kailangan lang na magrehistro sa pamamagitan ng website ng TESDA o magpunta sa mga regional offices sa inyong lugar.

Nananawagan ang TESDA lalo na sa mga nawalan ng hanapbuhay bunsod ng pandemya na sumailalim sa mga training program na maaaring magamit upang makakuha ng trabaho sa ibang bansa.

“In preparation na rin po doon sa mga iba pang demand ng ibang bansa, we are cooperating, coordinating with DOLE and POEA in regard to other skills training na pakikinabangan naman po ng mga kababayan nating gustong mag-avail ng opportunities sa ibang bansa.” ani TESDA Deputy Director General, Aniceto “John” Bertiz III.

Noong 2019, nakapagtala ng pinakamaraming enrollees ang mga kurso para sa welding, cookery, food and beverage service, bread and pastry production, housekeeping, electrical installation and maintenance at iba pa. Makukuha ang mga kursong ito ng libre.

Bukod sa matatanggap na P160 na daily allowance, ilan pa sa mga kursong ito ay nagbibigay ng start up kit o mga pangunahing kagamitan na magagamit sa oras na makapagtapos.

Simula nang ipatupad ang community quarantine protocols noong Marso, nasa  800,000 na ang enrollees sa mga programa mg TESDA kung saan mahigit 70,000 sa mga ito ay mga Overseas Filipino Worker (OFW).

“Ang ating mga enrollees, tumaas dahil po yung iba pong gustong pumasok ng kolehiyo sana itong taon na ito ay ninais po nilang mag-take ng skills training kasi nga mas marami na pong napapakinabangan or kumita sa kanilang mga tahanan.” ani TESDA Deputy Director General, Aniceto “John” Bertiz III.

(Asher Cadapan Jr | UNTV News)

Tags: ,