Pansamantalang hindi makakabiyahe ang pitong unit ng Partas Bus na may rutang Sampaloc, Manila patungong Pagudpud, Ilocos Norte, ito ay matapos silang patawan ng preventive suspension ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board ang naturang bus company dahil sa kabiguang maisumite ang dashcam card at GPS data na gagamitin sanang ebidensya sa gagawing imbetigasyon.
Kaugnay ito ng nangyaring aksidente kahapon ng madaling araw sa Agoo, La Union na kinasangkutan ng Partas Bus at isang pribadong jeep kung saan 20 tao ang nasawi.
Una nang sinabi ng LTFRB na walang silang nakikitang pananagutan ng Partas Bus sa nangyaring aksidente.
Sinubukan pang humabol sa deadline ng Partas. Subalit sa halip na dashcam card at GPS data, tanging CCTV footage lamang sa loob ng bus ang naibigay ng operator sa LTFRB, na ayon kay Lizada ay hindi mapapakinabangan sa imbestigasyon. Sa datos ng LTFRB, mayroong 29 na prangkisa ang Partas Bus na binubuo ng 187 bus unit.
Pero nilinaw ng ahensya na tanging ang pitong unit lamang nito ang sakop ng 30 araw na suspensyon sa operasyon.
Sinubukan ng UNTV News Team na kunan ng pahayag ang Partas Bus, subalit hanggang sa ngayon ay hindi pa ito nagbibigay ng kanilang reaksyon.
Sa oras na maibigay ng Partas ang mga hinihinging ebidensya ng LTFRB, posibleng bawiin rin ang ipinataw na suspenyon, depende sa magiging desisyon ng board.
( Joan Nano / UNTV Correspondent )
Tags: Ilocos Norte, LTFRB, Partas Bus