7 tourist arrival mula sa Maynila, naitala ng DOT sa pagbubukas ng turismo sa Boracay island

by Erika Endraca | October 2, 2020 (Friday) | 15365

METRO MANILA – Itinuturing ng Department Of Tourism (DOT)  na matagumpay ang pagbubukas ng Boracay island sa mga turista mula sa mga General Community Quarantine areas.

Ayon kay DOT secretary Bernadette Romulo-Puyat, kahit 7 turista lang mula sa Maynila ang dumating sa isla kahapon (October 1) , magandang indikasyon ito para sa ligtas at dahan-dahang pagbangon ng turismo sa bansa.

“Let’s see first how this goes. Actually, like for today, may dumating lang na 7, but then malamang dadating yan dagsaan yung mga turista you can see sa undas. So, we’ll see first. We have to test the protocols, continually test the protocols. ani DOT secretary Bernadette Romulo-Puyat.

Nagpahayag din ng pagsuporta sa adhikain ng DOT ang mga airline company upang maibalik ang kabuhayan ng mga manggagawa sa industriya ng turismo.

Kaya naman matapos ang 6 na buwan na tigil operasyon, ilang flights ang binuksan ng mga domestic airline company sa pagitan ng Maynila at Boracay island.

Para sa kaligtasan ng mga pasahero laban sa banta ng COVID-19, bago pa man makasakay ng eroplano ang mga turista mula sa Maynila ay sinisiyasat na ng mga tauhan ng airline company kung kumpleto sila sa dokumento batay sa requirements na ibinaba ng DOT.

Kabilang dito ang confirmation of booking mula sa DOT-accredited hotel sa boracay, airline tickets at negative RT-PCR test result para sa COVID-19 na kinuha dalawa o tatlong araw bago ang kanilang travel date.

Kailangan itong ipadala sa Aklan provincial government sa pamamagitan ng kanilang website.

Kung maaaprubahan ang turista, makakakuha ito ng unique na qr code na gagamitin sa pagmomonitor sa bawat turista habang nasa isla.

Pinapayuhan ng dot at mga airline company na regular na i-check ang updated travel restrictions at regulations ng pamahalaan para sa kanilang patnubay.

(Asher Cadapan Jr. | UNTV News)

Tags: ,