Kasalukuyan pa ring inoobserbahan sa Victor R. Potenciano Medical Center sa Mandaluyong City, ang pitong tauhan ng MRT-3, matapos ang nangyaring banggaan ng dalawang maintenance service vehicle kaninang umaga.
Ayon kay MRT-3 Director for Operations Engineer Michael Capati, nagtamo ng bali sa katawan at iba’t-ibang sugat sa ulo at iba pang parte ang mga biktima.
Batay sa inisyal na imbestigasyon ng MRT-3, hindi umano agad na napansin ng paparating na maintenance service vehicle ang isa pang unit nito na may kinumpuni rin noon sa pagitan ng Buendia at Guadalupe stations.
Paliwanag pa ni Director Capati, nahirapan ang driver na makontrol ang preno dahil bahagyang papalusong ang naturang bahagi ng riles kayat nabangga ang isa pang unimog.
Tiniyak naman ng MRT management na sasagutin nila ang lahat ng gastos sa pagpapagamot ng mga biktima.