7 sa bawat 10 Pilipino, tutol sa panukalang ibalik ang death penalty

by Radyo La Verdad | October 10, 2018 (Wednesday) | 6134

Iprinisinta kanina ng Commision on Human Rights (CHR) ang resulta ng isinagawang survey ng Social Weather Station (SWS) hinggil sa pananaw ng mga Pilipino ukol sa death penalty. Ito ay kaalinsabay ng paggunita sa 16th World Day Against Death Penalty.

Lumabas sa survey na pito sa bawat sampung Pilipino ang tutol sa panukalang muling buhayin ang death penalty sa bansa, habang isa sa bawat sampung Pilipino naman ang naniniwalang makatutulong ang death penalty upang maresolba ang problema ng iligal na droga sa Pilipinas.

Nakita rin sa survey na ang mga pulitiko ang personalidad na pinaka hindi rumerespeto sa usapin ng karapatang pantao.

Isinagawa ang survey sa dalawang libong respondent na may edad labing lima pataas noong ika-22 hanggang ika-27 ng Marso.

Ayon kay CHR Commissioner Karen Gomez Dupit, plano nilang isumite ang resulta ng survey sa Kongreso upang igiit sa mga mambabatas ang mariing pagtutol ng maraming Pilipino sa pagbuhay sa death penalty.

Bukod sa SWS survey, ipinunto rin ng CHR na marami pang ibang pag-aaral ang maaring magpatunay na hindi solusyon  ang death penalty sa mga nangyayaring krimen sa bansa. Kaisa rin sa mga tumututol sa panukalang death penalty si senator Leila De Lima.

Sa pahayag na inilabas ng senadora, iginiit nito ang importansya ng karapatang mabuhay ng sinoman kaya’t hindi aniya makatwiran ang pagpapairal ng parusang kamatayan.

Idinepensa rin ng mambabatas na ang maayos at patas na justice system ang paraan upang mapigilan ang anomang kriminalidad.

Taong 2006 nang ipawalang-bisa ang pagpapatupad ng death penalty sa bansa sa ilalim ng panunungkulan ni dating pangulo at ngayo’y House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo.

Una nang sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na nais nyang muling pairalin ang death penalty sa bansa, sa hangaring masawata ang kriminalidad at problema sa iligal na droga.

Sa ngayon, aprubado na sa mababang kapulungan ng Kongreso ang panukalang ibalik ang death penalty, subalit wala pa ring bersyon ang Senado para dito.

 

( Joan Nano / UNTV Correspondent )

Tags: , ,